Skip to content
Home » Blog » Hindi Lang Ako Ang Anak Ng Tatay Ko

Hindi Lang Ako Ang Anak Ng Tatay Ko

This tribute was originally written in 2017 and is shared here with only minor formatting and punctuation edits.

Marami sigurong nagtatanong kung paano ka bilang ama ko. Ngayon lang rin nila malalaman ang sagot…

Noon pa lang bata pa ako, kitang-kita ko na ang dedikasyon mo sa trabaho. Maliban sa palagi kang wala, minsan naman ay sinasama mo kami kahit saan. Sa gulang na lima, mukhang naikot ko na yata ang lahat ng simbahan sa Greater Manila Conference. Natatandaan ko pang kapag iniimbitahan kang guest speaker sa iba’t ibang simbahan, naiinis ako dahil kinakailangan lagi kaming tumatayo kapag pinakikilala tayo. Hindi ako takot sa tao, sadyang hindi ako marunong makipagsalamuha sa iba noon pa man at alam mo yan.

Sa mga panahong wala kang trabaho, sinisiguro mo namang nagagawa mong maglaan ng oras para sa amin. Pinapasyal mo ako noon madalas sa COD tuwing nalalapit ang pasko, sa Boom na Boom, sa Luneta, sa Masagana, sa SM, at kung saan-saan pa. Naalala ko rin na ikaw ang nagturo sa akin sumakay ng bisikleta. Sa sobrang laki mo at sa sobrang liit ng bike ko, kita ko kung gaano mo sinikap na patakbuhin iyon maturuan mo lang ako. Ikaw rin ang nagturo sa akin mag-ipon. Naalala ko, binigyan mo ako ng Bible na kulay gold na Today’s English Version. Binigay mo yun hindi lang para basahin ko kundi para ipitan ko ng mga ipon ko dahil sabi mo, pagsapit ng kaarawan ko, lahat ng naipon ko ay dodoblehin ni mommy at titriplehin mo.

Habang ako ay lumalaki at nasa elementarya, lagi akong nagtataka kung bakit hindi ka umuuwi. Sinasabi na lang ni mommy na nasa Canada ka, o America, minsan nasa Africa o Malaysia. Lagi kong tinatanong kung bakit — meron ka daw conference o meeting na dinadaluhan. Isang araw, isang linggo, minsan umaabot ng dalawang buwan na wala ka.

Naalala ko nung minsan, pagdating mo sa bahay, tinanong kita, “Dito ka pa ba nakatira?” Ngumiti ka lang. Hindi ko alam na kinurot pala ng binitiwan kong mga salita ang puso mo. Ah kaya pala, kasi mula noon, kada dating mo sa bahay lagi ka nang may pasalubong sa akin, at dahil doon di na ako nagtatampo sa’yo.

Nung high school ako, ganoon pa rin ang sistema. Mas madalas pa rin ang mga araw na wala ka sa mga araw na naglalagi ka sa bahay. Kaya naman noong bakasyon ko sa eskwelahan ay isinama mo kami sa mga pinupuntahan mo — mga kumperensyang dinadaluhan mo sa iba’t ibang simbahan sa buong Pilipinas.

Doon ko nakita kung gaano kadami ang iyong ginagawa. Kahit sa kasuluk-sulukan ng Pilipinas, sinusuyod mo mapuntahan lang ang simbahan at mabisita ang mga miyembro doon. Simula noon, sinanay ko na ang sarili ko at pinilit kong intindihin na dahil nasa mataas kang katungkulan ng simbahan noon, kaya talagang dapat mong gawin ang iyong tungkulin.

Pumasok ako ng kolehiyo na ganoon pa rin ang set up natin sa bahay. Medyo kakaiba nga lang dahil nung minsang bumili ako sa tindahan, nakita ko ang mukha mo sa TV. Sabi ko, “Hala! Tatay ko yun a?” Hindi ko na narinig ang sinabi mo habang iniinterview ka, pero kasunod na nakita ko ay mga larawan at video ninyo na nagmamartsa sa kalsada.

Doon ako nagtaka. Akala ko ba mga simbahan sa Pilipinas at ibang bansa ka lang nagpupunta? E ngayon, bakit kita nakikita sa kalsada? Napapadalas ang exposure mo sa TV, minsan nga pati sa diyaryo nakikita kita. Hindi ko na tinangkang basahin pa — ang alam ko lang noon may ipinaglalaban kayo. Hindi na rin ako nagkaroon pa ng pagkakataon malaman kung bakit lagi kang nasa kalsada kasama ang mga taong magkakapit-bisig sa isang hanay.

May isa pang pagkakataon na inimbitahan ka sa isang simbahan upang magsalita. Ang topic mo noon ay Globalization. Habang pauwi tayo sa bahay, tinanong kita, “Bakit ganun ang sermon mo? Parang ang lalim, hindi ko maintindihan?” Nasanay rin kasi ako siguro sa traditional na mga sermon na naririnig ko sa aking eskuwelahan o sa ibang simbahan.

Nagtapos ako ng kolehiyo, nakadistino ka na sa isang local church kaya hindi ka na gaanong busy. Kaya lang bihira na rin naman tayong magkita dahil nagsimula akong magtrabaho sa call center at lagi akong panggabi.

Last quarter ng 2007, na-confine ka sa E. delos Santos at nagpa-second opinion sa St. Lukes. Doon bumungad sa amin ang balitang meron kang cancer — Multiple myeloma ang tawag. Dalawang buwan ka rin tumira sa St. Lukes (517). Madaming nakasaksak sa’yo, hindi ko nga mabilang sa dami. Yung dating malaking tao at matabang daddy na kilala ko, ngayon para nang nauupos na kandila.

Binigyan ka na lang ng dalawa hanggang apat na buwan para mabuhay. Pinauwi ka na rin sa bahay dahil sabi nila doon na lang daw mag-antay ng oras. Ang daming dumadalaw sa’yo — kinakantahan ka, pinagdadasal ka, kinakausap ka. Ginawan ka pa nila noon ng tribute dahil nga ang alam nila ay papanaw ka na.

Pero hindi!

Yung dalawang buwan na binigay sa’yo, yun yung araw na nakatayo ka, at ang sumunod nun ay nakalakad ka na at muling naka-recover.

Dahil sa pagkaka-recover mo na sabi ng karamihan ay isang malaking himala, bumalik ka ulit sa paglilingkod. 2009 nang bumalik ka sa Ecumenical Bishops Forum (EBF) at sakto naman ding sa NCCP na ako nagtatrabaho noon. Doon na tayo nagsimulang mag-bonding.

Araw-araw tayong sabay pumasok at umuwi. Ako na ang naging official driver mo sa iba mong mga lakad kung may meeting o may pupuntahan.

Habang tumatagal na nagkakasama tayo, marami akong natutunan. Natutunan ko sa’yo ang pagpasok sa opisina ng maaga. May isang araw na late akong gumising at iniwan mo na lang ako bigla at nauna ka nang pumasok.

Tinuro mo sa akin — at hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin — na “Ang trabaho ay hindi mag-aadjust sa’yo, ikaw ang mag-aadjust sa trabaho mo” at “Pag mahal mo ang trabaho mo, mamahalin ka rin ng trabaho mo.”

Ikaw ang naging absorber ko tuwing may pinagdadaanan ako o nasstress minsan sa gawain. Pinakikinggan mo akong mabuti at pagkatapos ay pinapayuhan kung ano ang pwedeng gawin.

Dahil nasa iisa lang naman tayong building at parehas na nagtatrabaho sa religious institution, unti-unti na akong namulat sa mas malalim mo pang ginagawa na hindi ko maintindihan noon.

Doon ko nadiskubre ang malalim mong commitment lalo na sa pagtulong mo sa mamamayang api. Sa pamamagitan ng mga pinupuntahan nating mga gawain — mapa human rights, IP, migrants, peasants at iba pang sectoral issues — narealize kong, “Ah ito pala ang pinaglalaban ng tatay ko noong estudyante pa lang ako at malamang siguro noong bata pa ako.”

Napaka-vocal mo sa iyong paninindigan para sa kapakanan ng maralita at naaapi. Ang mga statements mong “pangmalakasan” na minsan lumalanding sa dyaryo ay talaga namang kahanga-hanga.

Doon ko napatunayan na HINDI LANG AKO ANG ANAK NG TATAY KO.

Sa buong buhay ko na akala ko ay hindi mo ako ganun kamahal dahil ayos lang sa’yong hindi ako makita nang matagal na panahon. Naisip ko na mayroon palang mas nangangailangan ng pagmamahal, suporta, pagtulong, at pag-agapay mo.

Ang pagiging TATAY mo sa karamihan — mapa sa simbahan man yan o sa lansangan — ay tunay na katangi-tangi.

Masaya akong isa ka sa nagmulat sa akin sa katotohanang tayo bilang mga taong simbahan ay hindi lamang dapat nasa loob ng apat na sulok ng istraktura nito kundi ang paglilingkod ng isang tunay na Kristiyano ay sa pamamagitan ng patuloy nating paglaban sa mga mapang-api at mapanamantala upang itaguyod ang kapakanan ng nakararami, makamit ang katarungan, kapayapaan, at buhay na ganap at kasiya-siya na matagal na nating ninanais.

Sa mga huli mong araw dito sa mundo ang pinakamatindi at pinaka-espesyal nating bonding.

Dahil madalas kang labas-masok sa ospital, lagi akong naka-leave para alalayan ka kasama si mommy. Doon ko talaga nakita na hindi ka lang fighter ng bayan kundi tunay kang fighter ng sarili mong laban.

Alam kong hirap na hirap ka na, pero talaga namang pinakita mo sa amin ni mommy ang iyong tapang para harapin lahat.

Nagpa-download ka pa ng progressive songs sa cellphone mo para pakinggan mo araw-araw dahil sabi mo na pinapalakas at pinapatatag ka ng mga kantang iyon. Tuwang-tuwa kaming masaksihan ang pagtaas ng kamao mo habang sinasabayan ang kantang Pagbabalikwas. Ikaw na talaga!!

Ipinakita mo sa amin na sa kabila ng lahat ng sakit na nararamdaman mo ay patuloy kang lumalaban para ipagpatuloy ang buhay mo. Pero talagang hanggang dito na lang.

Nagpapasalamat ako sa buhay mo. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako dahil ikaw ang Tatay ko. Dahil sa’yo ay natuto akong dapat ang pagmamahal natin sa ating mga kapwa at sa bayan ay mas higit pa dapat sa pagmamahal natin sa ating mga sarili.

Alam kong alam mo na ayaw kong pinakikilala ako na anak mo dahil alam kong matindi ang pressure at expectation sa akin, pero ikaw mismo ay tanggap ako sa kung ano ako bilang tao at kung ano ang tinatahak kong landas ngayon.

Pero nitong mga nakaraang araw, narinig ko sa mga taong bumisita at nagmamahal sa’yo — mga kapamilya, kaibigan, kasama sa simbahan, people’s org — kung gaano ka kasimple, kabuti, kahumble, kahusay. Talagang dapat palang ipinagmamalaki ko na anak ako ng isang taong tulad mo.

Salamat sa Panginoon sa sampung taon na inextend pa sa buhay mo dahil yun ang panahong lalo kitang nakilala, lalo tayong nagkalapit, at mas lalo kitang hinangaan.

Hanggang sa muli, my ever loving itay Elmer B.

Sabi nga namin ni mommy nung nag-usap kami, tanggap na namin ang paglisan mo pero di rin talaga maaalis sa amin ang kalungkutang dulot nito. Wala ka man sa aming tabi physically pero ang alaala mo ay dala-dala namin habambuhay.

Kaming mga naiwan mo ang magpapatuloy ng ating laban.

Taas-kamaong pagpupugay sa Ama at Obispo ng bayan!

Mahal ka namin!

1 thought on “Hindi Lang Ako Ang Anak Ng Tatay Ko”

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *