Healing and moving on from a long-term relationship is not easy. For some, napaka-imposible. Ang tedious ng proseso — emotionally exhausting, confusing, at higit sa lahat masakit.
Gusto ko lang i-share ang naging journey ko — from heartbreak to becoming myself again.
Galing ako sa 14-year relationship. Akala ng marami, especially ng mga kaibigan ko, iyon na ang forever ko. Akala ko rin. Pero minsan talaga, may mga bagay sa buhay na hindi mo makokontrol.
We broke up last year — on a random day. Biglaan. Ang rason: pagpili raw ng sarili.
Surprisingly, kahit anxious-attached ako bilang tao, hindi ako nag-beg. Pumayag ako agad. Pero kinagabihan, doon nag-sink in lahat.
“Shet. Totoo ba ‘to?”
For almost two weeks, devastated ako. Umiiyak nang malala, walang gana kumain, pero nagpaka-subsob sa trabaho para ma-divert ang sakit. Hanggang isang araw, parang may bumulong sa akin:
“Tama na ‘yan. Bumangon ka na. Piliin mo naman ang sarili mo.”
Doon nagsimula ang healing process.
Paano Ko Sinimulan ang Healing
1. Tinanggap ko ang nangyari
Walang pag-asang bumalik sa dati. Change is inevitable. Hindi mo pwedeng pilitin ang taong ayaw ka na.
2. In-acknowledge ko ang emotions ko
Hindi madali ang paghilom. Damhin mo ang sakit, galit, at panghihinayang. Hindi ka uusad kung in denial ka.
3. Hindi ako nagkwento sa maraming tao
Tatlong tao lang ang kinausap, at sa therapist ko lang ako nag-open nang buo. Minsan kasi mas lumalala ang sugat kapag masyadong maraming boses ang pinakikinggan mo.
4. Hinanap ko ang lakas sa quiet faith
Alam ko marami ang magtataka dito dahil hindi naman ako ganoon ka-vocal pagdating sa faith ko sa Supreme Being. Pero noong walang wala na talaga akong makapitan, sa Kanya ako lumapit.
5. Ibinuhos ko ang energy ko sa ibang bagay
Mahirap kumawala sa routine na nakasanayan ninyo, pero marami ka palang madidiskubre na kaya mong gawin, Nag-walking ako, nag-journal, nagbasa (oo, kahit 5 pages lang yun), lumabas kasama ang ibang tao. Natuklasan ko rin na kaya ko palang maging masaya mag-isa.
6. No contact
Ang challenging nito, pero it really works. Hindi ka makakausad kung palagi kang bumabalik sa pinanggalingan mo. Hindi ito parusa, space ito para sa sarili mong paghilom.
7. Nag-establish ng boundaries
Kung willing ka talagang umusad, isa ‘to sa mga kailangang gawin. Kailangan mong protektahan ang sarili mo emotionally at mentally. Hindi selfish ang boundaries; respeto ito sa sarili mong proseso.
After two months, nalaman ko ang tunay na dahilan ng breakup. Weird man pakinggan, hindi na ako nasaktan — mas relieved pa ako. At doon tuluyang nagsimula ang pag-let go.
Mga Realizations Ko
Maraming nagsabi sa akin:
“14 years ‘yon. Bakit parang okay ka na?”
Pero wala silang alam sa naging proseso ko.
Healing is not linear. May mga araw na maalala mo pa rin ang nakaraan. Pero nasa sa’yo kung pipiliin mong magpatuloy o manatili sa “what ifs.”
Sa proseso, natutunan ko:
- huwag ubusin ang sarili para sa iba
- magtatalo ang puso at isip mo 100% — at okay lang ‘yon
- posible ang pag-move forward kapag pinili mong piliin ang sarili mo
Part din ng healing ang pagpapatawad sa sarili — sa mga desisyon, pagkukulang, at mga bagay na hindi ko alam noon pero alam ko na ngayon.
Nasaan Na Ako Ngayon
Ngayon, nire-rebuild ko ang sarili ko. Natutunan kong maging masaya kahit mag-isa — dahil ang happiness ay hindi naka-depende sa ibang tao. It comes from within.
Healing is something you do for yourself. Bonus na lang kung may dumating ulit. At least healed ka na.
Hindi rin dapat minamadali ang relasyon. Hindi ka kukumpletuhin ng ibang tao — ikaw ang bubuo sa sarili mo.
Kaya eto ako ngayon. Chill lang. Walang dating apps na iniinstall. Hehe
Loyal muna ako sa crush kong hindi ako kilala. HAHAHA.
Pero kidding aside — ang sarap sa pakiramdam gumising at masabing:
“Salamat. Buo na ulit ako.”