(Na-invite ako sa church na mag-speak at I took it as a challenge dahil hindi naman ako nagsasalita in public dahil mas listener naman talaga ako pero i-share ko na rin dito yung sermon ko because….why not?)
Jeremiah 28:5-9
Doon sa binasang teksto, nag-usap si Hananaiah at Jeremiah tungkol sa propesiya. Ang propesiya ni Hananaiah ay sa loob ng dalawang taon ay babaliin ng Diyos ang kapangyarihan ng Babylon at ibabalik ang mga kagamitan sa templo at pakakawalan ang mga bihag.
Parang ang sinasabi ni Hananaiah doon ay “huwag kayong mag-alala, konting tiis na lang at magiging maayos ang lahat”. Kung tutuusin maganda pakinggan yung propesiya niya, parang optimistic ang dating.
Pero nais kong balikan kung ano ba talaga ang pinagmulan ng pagsakop ng Babylon sa Judah noong panahong iyon para malaman natin ang tunay na konteksto.
Ayon sa aklat ni Jeremiah, ginamit ng Diyos ang Babylon bilang instrumento ng Kanyang paghatol. Ang dahilan doon ay ang matagal nang pagsuway ng Judah sa Diyos. Isa sa pinakamalaking problema noon ay ang pagsamba sa mga diyus-diyosan tulad ni Baal at iba pang mga diyos ng mga kalapit bansa ng Judah. May mga hari rin na nagpatayo ng mga altar para sa mga diyus-diyosan. Isa ring problema ay ang kawalan ng katarungan. May pang-aapi sa mga mahihirap, may korapsyon, may inaabuso at marami pang iba. Hindi rin sila nakikinig sa mga propeta kahit ilang ulit na silang binalaan. Mas gusto nilang pakinggan ang mga propetang nagsasabi na “Okay lang.” “Walang problema.” At hindi mangyayari ang paghuhukom.
Kaya ang mga tao sa Judah ay mas gusto pang pakinggan at paniwalaan si Hananaiah dahil mas gusto nilang marinig na “Huwag kayong mag-alala, magiging maayos din ang lahat.”
Ang maganda naman kay Jeremiah ay hindi niya kinontra si Hananaiah bagkus sinabi niyang “Amen! Gawin sana iyon ni Yahweh” Na parang sinasabi niyang “Kahit ako, gusto ko rin mangyari ang kaginhawahan.”
At kahit si Jeremiah, kahit gusto niya ring mangyari iyon, ay nagpapaalala na “Ang tunay na mensahe ng Diyos ay hindi nasusukat sa gaano kaganda ito pakinggan kundi sa katotohanan nito.”
Hindi sinabi ni Jeremiah na huwag na tayong umasa. Hindi niya sinasabing tanggapin na lang ang paghihirap. Ang sinasabi niya ay kung gusto natin ng tunay na pagpapanumbalik ng kagandahang buhay, kailangan muna nating harapin ang tunay na problema. Dahil hindi aalisin ng Diyos ang sintomas kung hindi pa natin inaamin kung ano ang sakit. Kaya ang pinagkaiba nina Hananaiah at Jeremiah ay pareho silang naniniwala sa magandang bukas, pero si Jeremiah ay naniniwalang hindi makararating doon sa pamamagitan ng pagkukunwari kundi sa pamamagitan ng katotohanan.
At gusto kong irelate ang tekstong ito sa nangyayari sa bansa natin sa kasalukuyan. Dahil kung titingnan natin, ang nangyayari ngayon ay hindi iba sa nangyari noon sa Judah. May mga tanikala o chains pa rin tayong kinahaharap. Tanikala ng kahirapan, tanikala ng kawalang hustisya, tanikala ng korapsyon, tanikala ng pangamba at takot.
Pero kahit damang-dama natin ang hirap ngayon, madalas pa rin nating marinig na “Maayos ang kalagayan ng Pilipinas.” “Lumalago ang ekonomiya.” “Huwag nang maging negatibo at huwag nang makialam sa isyu ng bansa dahil iyon ay tungkulin ng gobyerno.”
Nakakalungkot mang isipin ngunit iba ang sinasabi ng iba sa nararanasan natin ngayon. Kung maayos ang kalagayan ng bansa ay bakit may mga pamilya pa ring isang kahig, isang tuka? Bakit may mga manggagawang hindi sapat ang sahod? Bakit may mga kabataang hindi makapag-aral dahil sa hirap ng buhay? Bakit may mga biktima ng kawalang hustisya na naghihintay pa rin ng katarungan?
Hindi masama ang maging positibo o optimistic sa sitwasyon pero ang paalala ni Jeremiah ay “Hindi pananampalataya ang itanggi ang realidad.” Hindi kabanalan ang magbulag-bulagan at lalo’t higit, hindi tunay na pag-asa ang pagkukunwari.
Dahil hindi mo magagamot ang sugat kung itatanggi mong may sugat.
At hindi ibig sabihin nito na ang bawat paghihirap na nararanasan natin bilang bansa ay parusa ng Diyos, tulad ng nangyari sa Judah. Magkaiba ang kanilang konteksto at ang ating konteksto. Ngunit ang aral ay nananatili: na kapag may kawalan ng katarungan, hindi tayo tinatawag ng Diyos na magbulag-bulagan. Tinatawag Niya tayong harapin ang katotohanan.
At hindi lang ito makikita sa kasaysayan ng Judah o sa sitwasyon ng ating bansa. Maging ang Pride Month na ginugunita natin ngayong buwan ay may maituturo rin sa atin tungkol sa pagharap sa realidad.
Gusto ko lang din irelate ito dahil ang buwan ng Hunyo ay Pride Month. Para rin sa kaalaman nating lahat, ang Pride Month ay selebrasyon ng mga kapwa nating LGBTQIA+. Ito ay panahon ng paggunita sa kanilang dignidad, pagkatao, at sa mga tagumpay na bunga ng mahabang pakikibaka para sa pagkakapantay-pantay. Ngunit gusto ko ring ibahagi sa inyo na bago pa ang selebrasyon at ang pagwawagayway ng mga rainbow flags, isa muna itong protesta. Ang selebrasyon ngayon ay bunga ng pakikibaka.
Nagsimula ito noong 1969 sa Stonewall Inn sa New York, dahil maraming LGBTQIA+ ang nakaranas ng pangha-harass, pag-aresto, at diskriminasyon. Hindi nila itinanggi ang realidad ng pang-aapi na kanilang nararanasan noong panahon na iyon. Sa halip, hinarap nila ito at sama-samang nanindigan para sa dignidad, kaligtasan, at pantay na pagtrato. At kung hindi nila hinarap ang katotohanan ng kanilang kalagayan, malamang ay wala ring selebrasyon na ginaganap tuwing Hunyo ngayon.
At marahil ito ang paalala sa atin. Madaling ipagdiwang ang bunga ng isang pakikibaka, ngunit mas mahirap alalahanin kung bakit ito nagsimula. Ngunit ang pag-asa ay hindi nagsisimula sa selebrasyon. Nagsisimula ito sa pagkilala sa katotohanan.
Pero hindi pa rin doon nagtatapos. Hangga’t may mga taong nakararanas ng pang-aabuso at diskriminasyon, hindi tayo dapat tumigil na manindigan para sa dignidad, katarungan, at pagkakapantay-pantay.
Ngayon, ano ang hamon ng teksto sa atin bilang simbahan?
Naalala ko ang isang usapan na ikinuwento sa akin na hirap maka-produce ng pondo ang simbahan. Ang sabi ng isa ay “Meron tayong pera! God will provide!”, at ang sagot ng isa ay “Pero ang realidad, ay wala tayong pera”.
Kung titingnan natin, parehong tama naman ang statement. “God will provide”, hindi tayo nawawalan ng pag-asa at ang isa naman ay ang hindi pagtakas sa realidad na meron nga tayong problema. Hindi natin kailangang mamili sa dalawa. Bilang mga mananampalataya, tinatawag tayong panghawakan ang pag-asa habang tapat na kinikilala ang realidad.
Normally iyon ang challenge sa mga simbahan, ang usaping pang-pinansya dahil paano nga naman tayo makakapag-ministry kung wala tayong resources. Hindi naman sapat na sabihin lang nating “God will provide” kung wala naman tayong ginagawa. At hindi rin sapat na makita lang natin ang kakulangan kung mawawala naman ang ating pananampalataya.
Pero iyon ang kagandahan sa simbahan natin, hindi lang tayo natatapos sa “God will provide” at sa pagtanggap ng realidad kundi tayo ay kumikilos para maisakatuparan natin ang mga ministries natin. Nananalangin tayo, nagtutulungan tayo, at ginagawa natin ang ating bahagi habang nagtitiwala na ang Diyos ang siyang patuloy na gumagawa sa atin at sa pamamagitan natin.
At sa tingin ko, ito ang pagkakaiba ng tunay na pag-asa at pagkukunwari. Ang tunay na pag-asa ay hindi nakapikit sa problema. Nakadilat ito sa realidad at handang kumilos dahil naniniwala itong may ginagawa ang Diyos sa pamamagitan natin.
Kaya mga kapatid, sa panahong natin ngayon, ano ang pipiliin natin? Ang makarinig lang ng mga magagandang salita na kumportableng pakinggan para sa atin o ang katotohanang mahirap tanggapin ngunit kapag hinarap natin, ay nagbubukas ng daan tungo sa tunay na pagbabago at pagpapanumbalik?
Nagsimula si Jeremiah sa isang simpleng salita:
“Amen! Gawin sana iyon ni Yahweh!”
Na parang sinasabi niyang: Gusto ko rin ang magandang bukas. Nananalig din ako sa pag-asa.
At iyon din sana ang maging panalangin natin. “Amen!” Sana nga maging maayos ang ating bayan. Sana nga manaig ang katarungan. Sana nga mawala ang mga tanikala ng kahirapan, korapsyon, takot, at pang-aapi.
Pero tulad ni Jeremiah, alam din natin na ang tunay na pag-asa ay hindi nakatayo sa pagkukunwari. Hindi ito nakatayo sa pagtakas sa realidad. Ito ay nakatayo sa katotohanan ng Diyos na nagtutulak sa atin na kumilos, at maging bahagi ng pagbabagong nais Niyang mangyari sa ating buhay, sa ating simbahan at sa ating lipunan.
At bilang bayan ng Diyos, hindi tayo tinawag upang magpanggap na maayos ang lahat. Tinatawag tayo upang magsabi ng totoo. Manindigan para sa katarungan. Makinig sa hinaing ng mga naaapi. At maging mga taong ang pag-asa ay hindi bulag kundi matapang, mapagpalaya, at nakaugat sa katotohanan ng Diyos.
Amen.
Great content! Keep up the good work!