Skip to content
Home » Blog » Sa Huli, Puso Pa Rin.🤍

Sa Huli, Puso Pa Rin.🤍

  • by

Hindi niya kaarawan ngayon. Hindi rin niya death anniversary. Isang normal na araw ito kung tutuusin, pero wala akong ibang nasambit kundi ang pangalan niya dahil humihingi ako ng saklolo.

Nitong mga nakaraang araw, lagi kong iniisip ang purpose ng tao sa buhay. Ngayon, ito ang sumagi sa isip ko dahil lamang sa isang stressful na araw sa trabaho. Pilit at paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko kung nasa tamang karera ba ako—kung ipinagpapatuloy ko ba ito dahil fulfilling siya o dahil nakakapaglagay lang siya ng pagkain sa hapag-kainan. Napaisip ako, ito ba talaga ang gusto ko?

Inaamin ko, lost ako lately. Mas pa sa personal na aspeto ito at wala nang iba—na para bang bakit hanggang ngayon, hindi ko alam kung ano ang talagang gusto ko sa buhay ko.

Dahil iyon ang pakiramdam ko ngayon, pinilit kong balikan ang mga alaala kasama ang tatay ko. Dahil magsi-siyam na taon na siyang wala, wala nang ibang paraan para masabi ko ang lahat ng nararamdaman ko. Dati, kahit wala na siya, minemessage ko pa rin siya sa Facebook Messenger para lang magkuwento ng kung ano-ano—masaya, malungkot, masakit, achievements, at mga maling desisyon sa buhay. Pero sa nararamdaman ko ngayon, tingin ko hindi sapat ang mag-message ako dahil alam kong hindi rin naman siya sasagot.

Sinubukan kong i-search ang pangalan niya sa Google. Lumitaw doon ang mga tribute sa kaniya ng iba’t ibang organisasyon. Mayroon akong isang nabasa roon na “Bishop Elmer Preaches at His Own Funeral Service.” Originally, parangal niya ito para kay Atty. Romy Capulong na ginamit naman ng isang obispo sa funeral service ng tatay ko. Ang pamagat nito ay “Ang Halaga ng Buhay.”

Ang konteksto noon ay ang pinagdaanan ng isang tao mula nang siya ay bata pa hanggang sa kanyang kamatayan (bata → kabataan → pagtanda → kamatayan).

Bata — nakaasa sa magulang.

Kabataan — pagtuklas ng sarili; may sariling mga desisyon at unti-unting bumibitaw sa pagkapit sa magulang.

Pagtanda — limitasyon sa pagkilos, pagkakasakit, at sa huli ay kamatayan.

Tinanong ng tatay ko roon, “Ano ang halaga ng mabuhay kung mauuwi rin lang sa kamatayan? Ano nga ba ang halaga ng buhay?”

Kaya natigilan ako at biglang napaisip sa buhay ko noong kabataan ako. 

Lumaki akong walang malinaw na pangarap at madalas piliin ang praktikal kaysa sa tunay kong gusto—maging sa kursong kinuha ko.

Pagkatapos ng kolehiyo, lumipat-lipat ako ng trabaho hanggang mapunta ako sa isang church institution kung saan ako tumagal ng labindalawang taon. Doon ko unang naranasan ang pakiramdam ng pagkakaroon ng layunin—naisasabuhay ko ang mga itinuro sa akin ng mga magulang ko tungkol sa paglilingkod. Ngunit dumating din ang panahong umalis ako upang i-discover pa ang aking kakayahan.

Mula noon, bumalik ako sa corporate world at kahit nag-MBA pa sa pag-asang magkaroon ng direksyon, nananatili pa rin ang pakiramdam na hinahanap ko pa rin kung saan ako tunay na nababagay.

Kaya dito ko naintindihan, noong nabasa ko ang sinulat ng tatay ko, na “Ang batayan ng halaga ng buhay ng tao ay hindi nakikita. All virtues are things unseen.” Ang taus-pusong pagsasagawa ng mga virtues na ito ang siyang tunay na batayan ng halaga ng buhay.

Kaya naisip ko na hindi rin pala talaga sapat kung ilang kurso ang natapos mo, may maganda at nakabubuhay kang sahod, o may marangyang buhay ka. Maaaring iyon ang depinisyon ng “success,” pero ibang-iba ito sa depinisyon ng “purpose.” Ang pagkatuto mo sa mga nakaraang pagkakamali, ang pagbangon mo kahit mahirap, at higit sa lahat, ang pagpili na magpakabuti—ang pagmamahal mo nang buong puso, paglilingkod, at pagtulong sa iba. Manindigan at tumindig sa alam mong tama—iyon siguro ang magdedefine kung fulfilling ang purpose mo sa buhay.

Kaya rin siguro na-miss ko ang ministry dahil ito rin ang itinuro niya sa akin noon—na isinabuhay ko nang ilang taon ngunit hindi ko na maisapraktika sa panahon ngayon. Hindi na ako aktibo sa mga ganap, hindi na ako updated, at hindi na makapag-immerse; sobrang limitado na ang nagagawa ko at pakiramdam ko kulang na kulang ako.

Dati, iba ang sense of fulfillment at genuine na happiness na nararanasan ko sa pamamagitan ng paglilingkod at pagtulong. Kahit nga ang experience na mabato habang may stampede noong isang mob noong SONA, nami-miss ko rin. Totoo, iba na ang mundong ginagalawan ko.

Salamat sa pagsagot sa tanong ko, Elmer B.,

Unti-unti kong tinatanggap na ang paghahanap ng purpose ay isang proseso. Sa pamamagitan ng sinulat mong parangal, na-realize ko na babalik at babalik talaga ako sa kung nasaan ang puso ko—at may mga paraan kung paano ko magagawa iyon, kahit nasaan ako ngayon.

Lab,

Your peborit “darleng,”

Hulyana

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *