Kuwentong karanasan 04.12.26
(Kahapon ko ito sinulat, pero ngayon ko lang na-publish.
Nagpagupit ako kanina at dahil wala akong makitang tricycle na bumabyahe, napasakay ako ng jeep.
Ngayon lang ako muling sumakay ng jeep dito sa Maynila. Napakatagal na rin mula noong huli akong sumakay dahil hindi naman ako palalabas ng bahay, maliban na lamang kapag naka-hybrid setup ako sa trabaho noon, at kadalasan ay Grab ang mode of transportation ko. Hindi rin ako nagdadala ng kotse kapag pumapasok dahil mahal ang parking fee, at bukod doon, nakakapagod na nga ang trabaho, mapapagod ka pa sa pagmamaneho habang binabaybay ang trapik.
Noong estudyante ako, mapili ako sa pagsakay ng jeep. Lagi akong sa harapan, katabi ng driver, dahil takot akong sumakay sa likod. Noon pa man kasi ay uso na ang holdapan, lalo na sa ruta ng madalas kong sinasakyan.
Nakakita ako ng jeep na may bakanteng upuan sa harap. Pagsakay ko, napatingin ako sa likuran at ako lang ang pasahero. Makalipas ang ilang minuto, may sumakay na isang babae, sinundan ng isang lalaki sa sumunod na kanto, at maya-maya ay isa pang babae.
Sa totoo lang, hindi ko na rin alam kung magkano na ang pamasahe sa jeep ngayon. Wala pang isang kilometro ang layo ng destinasyon ko kaya alam kong hindi naman ito aabot ng higit sa bente pesos. Nag-abot ako kay Tatay ng bente. Noong kukuha siya ng isusukli, sabi ko, “Tay, okay na ’yon.” Nagbayad din ang isang babae sa likuran at hindi na rin kinuha ang sukli.
Makalipas ang ilang segundo, nagsalita si Tatay, at doon nagkaroon ako ng pagkakataong magtanong sa kanya tungkol sa karanasan niya, lalo na ngayong mataas ang presyo ng gasolina.
Sa palitan namin ng usapan, ikinuwento ni Tatay kung gaano kahirap ang kalagayan niya. Alas-sais pa siya ng umaga bumiyahe ngunit wala pa rin siyang maayos na kita dahil napunta agad sa pangkarga ng gasolina. Tiningnan ko ang lagayan niya ng barya na halos iilang piraso lang ang laman. Sa itaas ng salamin niya, may nakaipit na singkwenta pesos. Kung susumahin, parang wala pang isang daang piso.
Labing-isang oras na siyang bumibiyahe ngunit wala pa rin siyang sapat na kita dahil sa tumal ng pasada. Ikinuwento rin niya na may nag-aabang sa kanyang maniningil sa bandang Hermosa na 5-6. Sabay pakita niya sa akin ng listahan ng utang at ang pinoproblema niya ang pang-hulog.
Binanggit din niya na maging ang boundary na limang daan kahapon ay hindi pa niya nababayaran, dagdag pa ang pag-aalala kung may maiuuwi ba siyang pera sa pamilya at mga anak. Ipinakita rin niya, gamit ang patpat na nagsisilbing panukat, kung gaano na lang kakonti ang gasolina ng jeep.
“Ilang kilometro na lang ang kakayanin nito at kailangan na namang magkarga,” sabi niya.
Habang pinakikinggan ko ang kuwento niya, naisip ko kung gaano ka-unfair ang buhay, lalo na para sa mga simpleng mamamayang nagsusumikap magtrabaho upang maitawid ang pang-araw-araw na pangangailangan. Samantalang ang iba ay nagpapapresko lamang sa mga opisina at sumusuweldo ng limpak-limpak; worse, sa kagahamanan ay nangungurakot pa ng perang hindi kanila.
Nararamdaman kong marami pa sanang gustong ibahaging kuwento si Tatay, ngunit inabisuhan ko na siyang pababa na ako. Inabutan ko siya ng kaunting halaga.
“Tay, pandagdag mo para sa gasolina. Ingat po kayo sa biyahe.”
Iyon na ang huli kong sinabi bago ako bumaba.
Marami pa sana akong gustong sabihin kay Tatay, ngunit wala nang pagkakataon.
Pero Tatay, huwag kang mag-alala. Hindi man muling magkrus ang landas natin, kasa-kasama mo kami palagi sa patuloy na pakikibaka para sa inyong mga karapatan at sa pag-asang balang araw ay giginhawa rin ang buhay.